PANGAKO






Sinabi mo noon, "Pangako."
Isang salitang may libu-libong katanungan
Isang salitang makatwrirang panghugutan.
Kumapit ako sa kawalang katiyakan
Nilusong ko ang dagat ng ano, bakit, paano
Mga katanungang kahit sino ay walang mahanap na kasagutan.

Naniwala ako na ang buhay ay isang sugal
Na itataya mo ang kahit anong mayroon ka kapalit ng isang bagay na minsan mo lang mahahawakan.
Magkasama tayong tumaya
Inihagis ang bola ng bahala
Nakipaglaro sa tadhana.

Dala-dala ang pangako na hatid sa isa't-isa.
Pangako na tuluyan nang sa puso ko ay ipinako
Gamit ang mga salitang "pagod na 'ko."
Dahan-dahan mo'ng itinigil ang laro
Sa takot na baka di kayang panindigan ang binitawang pangako
Nakiusap na lumayo.

Nag-iwan ng mas mahihirap na tanong
Ang ano ay naging sino
Ang bakit ay naging kailan
Ang paano ay naging bakit ngayon lang?
Mga tanong na mahirap maunawaan
Katulad ng bakit ang araw ay sumisikat sa silangan at paano mo ako nagawang iwanan?

Kaya pinakinggan ko.
Pinakinggan ko ang tibok ng puso mo na ngayon ay sintunado
Sinubukang ibalik sa dating tono kung saan puro pangalan ko ang liriko.
Ngunit ang tanging narinig ko ay "Hindi ako sigurado."

Sinabi mo noon,"Pangako."
Isang salitang may libu-libong katanungan na pilit hinahanapan ng kasagutan
Na hindi ko yata kailanman masisilayan.

Comments

Popular Posts